Pinatawan ng Department of Agriculture (DA) ng pansamantalang ban ang mga poultry imports mula sa Maryland at Missouri sa US, matapos ang sunod-sunod na paglaganap ng H5N1 Highly Pathogenic Avian Influenza sa dalawang estado.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., “ang mabilis na pagtaas ng mga kaso ng bird flu sa US mula nang unang matukoy ito ay nangangailangan ng mas malawak na saklaw ng mga restriksyon sa kalakalan upang mapigilan ang pagpasok ng virus.”
Iniulat ng US Animal and Plant Health Inspection Service noong Enero 23 ang mga outbreaks sa Maryland at Missouri. Sa kabuuan, 89 flocks ang isinailalim sa pagsusuri at nagpositibo sa avian influenza, kung saan mayroon 13.2 milyong ibon sa mga apektadong pasilidad.
Ang pinakahuling ban, na nilagdaan noong Pebrero 4, ay pansamantalang nagbabawal sa pag-aangkat ng mga domestic at wild birds, pati na rin ang mga poultry products tulad ng karne, itlog, day-old chicks, at semilya mula sa mga apektadong lugar. Kasabay nito, sinuspinde rin ang pagbibigay ng sanitary at phytosanitary import clearances para sa mga produktong ito.
Gayunpaman, ang mga produktong nasa biyahe na o natanggap na sa mga ports ay papayagang makapasok basta’t ang mga ito ay kinatay o ginawa hindi bababa sa 14 na araw bago ang unang iniulat na outbreak. Ang unang kaso sa Maryland ay natukoy noong Enero 14, habang ang Missouri ay nag-ulat ng outbreak sa parehong araw. Ang mga produktong hindi makakatugon sa mga itinakdang kondisyon ay ibabalik sa bansang pinagmulan o itatapon.
Ayon sa datos ng Bureau of Animal Industry, mula Enero hanggang Nobyembre 2024, nagpadala ang US ng mahigit 145,734 metric tons ng karneng manok sa Pilipinas, dahilan upang maging pangalawang pinakamalaking exporter ng mga produktong ito sa bansa, kasunod ng Brazil.