Taliwas sa inaasahang kakulangan ng itlog sa Pilipinas sa darating na Abril o Mayo na ipinahayag ng Department of Agriculture (DA), mas malamang na magkaroon ng kalabisan sa supply sa buong taon.
Noong nakaraang Biyernes, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na maraming mga producers ang nalugi noong nakaraang taon dahil sa labis na supply, na nagbaba ng farmgate price ng itlog ng PHP 4 kada piraso. Dahil dito, ang mga naluging producers ay nagbawas ng kanilang mga inahing manok. Dagdag ni G. Tiu Laurel, nabawasan ng malaki ng populasyon ng layer chickens sa bansa kaya’t maaaring maapektuhan ang supply ng itlog.
Subalit, sa isang panayam sa local na radio, sinabi ni Philippine Egg Board Association President Francis Uyehara na “sa ating grupo sa industriya, wala tayong inaasahang kakulangan sa itlog sa darating na Abril at Mayo. Nagulat din kami sa detalyeng inilabas ng Department of Agriculture.”
Sa panayam ng aviNews Philippines, sinabi ni G. Uyehara na mas malamang pang tumaas ang produksyon ng itlog ngayong taon batay sa dami ng Parent Stock (PS) layers na dumating noong nakaraang taon.
“Noong 2023, umabot sa 540,000 ang PS imports, at nitong 2024, umakyat pa ito sa 690,000. Kaya inaasahan namin na mas mataas ang produksyon ng table eggs ngayong taon kumpara noong nakaraang taon.”
Dahil dito, ang plano ng DA na mag-import ng hatching eggs ay maaaring magpalala sa sitwasyon at humantong sa labis na supply.
Ayon pa kay G. Uyehara, may kakayahan ng industriya na mag-adapt sa kondisyon ng merkado.
“Mayroon tayong mga interventions at management strategies na maaring gawin upang matugunan ang labis na supply o kakulangan. Halimbawa, kung labis ang supply, pwede tayong magsagawa ng maagang culling upang bawasan ang produksyon. Sa kabilang banda, kung may kakulangan, maaari nating palawigin ang produksyon lampas sa karaniwang panahon. At kung kinakailangan talaga, maaari rin tayong mag-import ng mas maraming hatching eggs.”
Subalit sa kasalukuyan ay hindi ito kinakailangan.
Pangangamba sa Avian Influenza
Gayunpaman, binanggit din ni G. Uyehara na may ilang bagay na maaaring makaapekto sa kanilang mga pagtataya sa produksyon, partikular na ang posibilidad ng avian influenza (AI) outbreaks sa bansa.
Hindi pa ina-aprubahan ng pamahalaan ang paggamit ng AI vaccine. Samantala, may mga ulat—at kinumpirma rin ng ilang kasapi ng industriya sa aviNews Philippines—na ang mga smuggled vaccines ay madali nang mabili, kahit sa mga online shopping platforms tulad ng Shopee.
“Open secret na ito sa industriya at sa pamahalaan,” sabi ng isang kasapi ng industriya sa aviNews Philippines.
Malaking hamon sa mga poultry producers ang banta ng AI, kaya’t matagal na nilang hinihikayat ang pamahalaan ng aprubahan ang paggamit ng AI vaccines. Ilang beses na ring nagsabi ang DA na malapit nang maaprubahan ang bakuna, ngunit parating naaantala ito. Ayon sa mga balita, may tatlong kumpanya na nagnanais magpa-rehistro ng kanilang AI vaccine sa bansa.