DA naglaan ng PHP 85M para palakasin ang produksyon ng itlog
Naglaan ng PHP 85.19 million ang Department of Agriculture para sa isang proyektong magpapakas ng produksyon ng itlog ng mga maliliit na producers sa bansa.
Available in other languages:Naglaan ng PHP 85.19 million ang Department of Agriculture (DA) ngayong taon para sa isang layer chicken program na naglalayong palakasin ang produksyon ng itlog sa bansa.
Ang Livelihood Opportunities and Viable Enterprise (LOVE) for Agricultural Farming Communities: Chicken Layer Project (LOVE Project) ay naglalayong palakasin ang maliitang produksyon ng itlog at magbigay ng mas mataas na kita para sa maliliit na magsasaka.
Pipili ng 11 benepisyaryo sa bawat probinsya ng bansa. Ayon sa DA, ang mga ito ay maaaring magsasaka, mga community groups, at Farmer Cooperatives and Associations (FCAs) na tutukuyin ng mga regional field offices ng DA at ng mga lokal na pamahalaan.
Ang bawat benepisyaryo ay makakatanggap ng module na nagkakahalaga ng PHP 79,500, kasama ang mga sumusunod:
- 48 heads ng ready-to-lay chickens,
- Isang 3-tier battery cage na may feeder at nipple drinker,
- Dalawang bag ng pre-lay feeds at anim na bag ng layer feeds na sapat para sa 2.5 buwan,
- Mga bitamina, gamot, at disinfectants,
- Isang shed-type house na gawa sa lokal na materyales.
Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ang LOVE Project ay "magbibigay ng agarang pinagkukunan ng pagkain at kabuhayan, at mabilisang pagbabalik ng puhunan at magdudulot ng seguridad sa pagkain."
Binanggit din niya na ang itlog ang pinaka-abot-kaya at madaling mapagkunan ng protina, bitamina, at mahahalagang mineral na makatutulong sa paglaban sa malnutrisyon.
Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority, sa unang siyam na buwan ng 2024, tumaas ng 6% ang produksyon ng itlog ng bansa, umabot ito sa 575,576 metric tons (MT) mula sa 542,722 MT sa parehong panahon noong 2023.