Pilipinas, nag-ban ng poultry imports mula sa apat pang estado ng US
Nadagdagan ng apat pang estado sa US ang pinatawan ng Pilipinas ng pansamantalang ban sa poultry imports matapos maulat ang mga avian influenza outbreaks sa mga lugar na ito.
Pansamantalang pinagbabawal ng Department of Agriculture ang pag-aangkat ng poultry mula sa apat pang estado ng US—Illinois, Minnesota, Ohio, at Wisconsin—matapos makapagtala ng mga kaso ng avian influenza sa mga nasabing lugar.
Kaugnay nito, naglabas si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ng Memorandum Order (MO) No. 11 na nag-aatas sa Bureau of Animal Industry na ihinto ang pagproseso at pagbibigay ng sanitary at phytosanitary import clearances para sa mga lokal at wild na ibon, karne ng manok, day-old chicks, itlog, at semilya mula sa mga apektadong estado. Aniya, dahil sa mabilis na pagkalat ng avian influenza sa US, kailangan ang pansamantalang ban upang maprotektahan ang lokal na populasyon ng poultry.
Ayon sa MO, iniulat ng US Animal and Plant Health Inspection Service na noong Pebrero 3, 2025, kinumpirma ng National Veterinary Services Laboratories ang ilang kaso ng H5N1 Highly Pathogenic Avian Influenza (HPAI) sa apat na estado. Binanggit din na mula noong 2016, napagkasunduan ng mga awtoridad sa beterinaryo ng parehong bansa na ipapataw lamang ang state-wide ban kung tatlo o higit pang county sa isang estado ang apektado ng HPAI.
Gayunpaman, papayagang makapasok sa bansa ang mga kargamentong nasa biyahe na, naipadala, at natanggap na sa mga daungan, basta’t ang mga produkto ay kinuha o naproseso 14 na araw bago ang unang kaso ng outbreak (Nobyembre 14 sa Illinois, Nobyembre 26 sa Minnesota, Disyembre 10 sa Wisconsin, at Disyembre 13 sa Ohio).
Ang US ay isa sa mga pangunahing exporter ng manok sa Pilipinas, pangalawa lamang sa Brazil. Noong 2024, umabot sa 158,159 MT ang inangkat mula sa US, bumaba ng 4% mula sa 166,356 MT noong 2023.
Samantala, hinihintay pa rin ng mga poultry raisers at egg producers sa bansa ang pag-apruba ba ng AI vaccine na hanggang ngayon ay nakabibinbin sa Food and Drug Administration.