Site icon aviNews, la revista global de avicultura

Presyo ng manok sa Metro Manila umabot na sa PHP 200/kg 

Escrito por: aviNews Philippines
PDF

Ang presyo ng manok sa Metro Manila ay umabot sa average na PHP 201.86/kg noong Enero 25, batay sa Price Watch ng Department of Agriculture. Tumaas ito ng 4% sa loob lamang ng dalawang linggo. 

Samantala, batay naman lingguhang pagbabantay mula sa United Broiler Raisers Association (UBRA), ang average farmgate price ng broiler ay nasa PHP 130.00/kg noong Enero 24, tumaas ng 25% sa nakalipas na dalawang linggo. 

Sa isang panayam sa radyo DZBB, nagbigay si Elias Jose Inciong, Chairman ng UBRA, ng tatlong maaring dahilan sa pagtaas ng presyo. 

Una ay ang desisyon ng mga broiler raiser na bawasan o hindi muna mag-load matapos bumaba ang farmgate price sa PHP 60/kg noong Disyembre. Dala nito, bumaba ang supply ng manok sa merkado.  

Pangalawa, maaring ang pagtaas ng presyo ng baboy ay nagtulak sa mga mamimili na lumipat sa manok, kaya’t tumaas ang demand. 

Pangatlo, tumaas na ang gastos sa produksyon ng broiler, dahil umabot na sa PHP 48 ang presyo ng day-old chicks (DOC). 

“Bahagi ng pag-iingat na rin, kasi mataas ang puhunan ngayon, nagdoble ang presyo ng sisiw. Noong nakaraang taon, nasa PHP 22-30 pesos lang, nitong huli ay nasa PHP 48, so halos doble,” paliwanag ni G. Inciong. 

Pagbawas ng breeders sa produksiyon ng DOC 

Dagdag pa niya, binawasan ng mga breeders ang produksiyon ng DOC upang maiwasan ang posibleng pagkalugi. Bukod dito, hanggang ngayon ay hindi pa rin aprubado ng Food and Drug Administration (FDA) at Bureau of Animal Industry (BAI) ang paggamit sa bansa ng bakuna laban sa avian influenza. 

“Maraming breeders ang nag-iingat din kasi hanggang ngayon, hindi pa rin pinapayagan ng FDA at BAI ang paggamit ng bakuna laban sa AI. Napakahigpit nila. Bagay na hindi namin maintindihan dahil napakaluwag nila doon sa ASF vaccine na hindi pa subok, samantalang sa buong mundo laganap na yung bakuna na subok (laban sa AI). Napakabagal ng proseso nila, e may smuggled vaccine naman na.” 

Paulit-ulit ang problema 

Ang mga suliranin sa broiler industry, tulad ng sa ibang sektor ng agrikultura, ay nagiging paulit-ulit. Kapag mataas ang retail price ng produkto, tulad ng manok, baboy, o bigas, ang madalas na tugon ng pamahalaan ay dagdagan ang importasyon upang mapababa ang presyo. Ngunit dahil dito, nawawalan ng gana ang mga local producers na magpalaki ng produksiyon. 

“Dahil nakakadagdag sa supply ang (importasyon), bumababa ang presyo, at nawawalan ng gana ang local producers. Ganyan ang nangyayari, bumabalik ang problema. Kung gusto mong pababain ang presyo, kailangan maging seryoso sa agrikultura ang pamahalaan. Kasi kung maya’t maya imports lang ang solusyon nila o kaya panatilihin yung mga maling polisiya tungkol sa importasyon—wwalang plano, walang datos—ay ganito na lang tayo,” ayon kay G. Inciong. 

Dagdag pa niya, kailangang palakasin ang kumpiyansa ng mga producers upang mahikayat silang mag-produce. 

“Sa ngayon, parang ang nangyayari, sumusugal ka. Ikaw man ay magpapalay o nagpapalaki ng hayop, para kang sumusugal. Bahala ka sa buhay mo. Sabagay, yan naman talaga ang pilosopiya ng free enterprise at free trade.”  

Ang mahirap, sabi niya, ang mga local producers ay lumalaban sa mga imports galing sa mga bansang ang pamahalaan ay nagbibigay ng tulong sa kanilang sariling producers.  

“Samantalang dito, ang pamahalaan natin, sa pangunguna ng NEDA at ng mga economic managers, ang tinutulungan pa ay iyang mga bansang tinutulungan na ng gobyerno nila. Hindi ang local producers. Kaya ganyan talaga ang mangyayari—walang kumpiyansa, paatras nang paatras ang industriya. Bukod pa rito, hindi naman bumababa ang presyo, kasi nga paulit-ulit lang ang problema.” 

*Credit sa Wikimedia Commons para sa larawan.

PDF
Exit mobile version