Nakamit ng Robina Farms, isa sa mga nangungunang livestock at poultry producers sa Pilipinas ang Cage-Free Certification mula sa Animal Kingdom Foundation (AKF) para sa dalawang poultry house sa commercial layer farm nito sa Naic, Cavite.
Bawat isa sa dalawang poultry house ay may laman na 20,000 manok at nakakapag-produce ng halos limang milyong itlog taun-taon.
Ang certification na ito ay nagpapakita ng dedikasyon ng kumpanya sa makataong pamamaraan ng pag-aalaga ng hayop at nagtatakda ng isang pamantayan sa pagsunod para sa industriya ng pagmamanok sa bansa. Ayon kay Lina Macailing, Operations Manager ng Robina Farms, ang desisyon ng kumpanya na alagaan ang mga inahing manok sa isang cage-free environment ay sumasalamin sa kanilang kahandaang magbago at umangkop para sa pagpapabuti ng animal welfare at tumugon ang consumer demand.
Samantala, ayon kay Operations Cluster Head Marlon Balverde, kasunod ng certification na ito, may mga plano nang dagdagan ang produksyon ng cage-free eggs. Ang mga itlog na ito ay nagmumula sa mga inahing manok na pinalaki at inalagaan ayon sa makataong pamantayan ng pag-aalaga ng hayop na tinatawag na “cage-free system.” Sa sistemang ito, malayang nakakagalaw ang mga inahin, naipapaypay ang kanilang mga pakpak, at nagagawa ang mga natural nilang aktibidad gaya ng dustbathing, perching, at foraging—na naaayon sa internationally accepted Five Domains of Animal Welfare.
Tiyak na certification at pagsunod sa pamantayan
Tinitiyak ng cage-free certification na ang mga sinuring poultry house ay sumusunod sa Philippine National Standards (PNS) Code para sa cage-free egg production. Itinatakda ng mga pamantayang ito ang mga kinakailangang kondisyon upang magkaroon ang mga inahin ng sapat na espasyo at maayos na pasilidad. Ang mga pamantayang ito ay ipinatutupad upang matiyak ang tunay na cage-free farms at mahusay na pamamahala ng mga layer hens.
Dahil dito, makasisiguro ang mga mamimili na ang kanilang binibiling itlog ay nagmula sa mga manok na inaalagaan sa isang kapaligirang may malasakit sa kanilang kapakanan. Napoprotektahan din sila laban sa mga maling pahayag dahil maaari nilang ma-verify kung ang pinagmulan ng mga itlog ay totoong may cage-free certification.
Nangunguna sa industriya
Ayon kay Atty. Heidi Caguioa, Pangulo at Program Director ng AKF, ang hakbang ng Robina Farms tungo sa cage-free egg production bilang isa sa mga lider ng industriya ay makakapag-impluwensiya sa iba pang mga farm upang sumunod. Sa pamamagitan ng makabuluhang pagbabagong ito sa produksyon ng itlog para sa kapakanan ng mga hayop, ang Robina Farms ay nakakatulong sa pagtataguyod ng isang mas sustainable at ethical na sistema ng pagkain.
Dagdag pa niya, ang paglipat sa cage-free egg production ay bahagi ng pandaigdigang panawagan para sa mas makataong sistema ng agrikultura at ethical sourcing ng mga produktong pagkain mula sa hayop. Habang dumarami ang mga mamimili sa Asya na naghahanap ganitong mga pagkain, inilunsad ng AKF ang kampanyang cage-free upang matiyak na ang mga producers, food establishments, at hospitality industry ay makasusunod sa mga pamantayang ito.
Sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa kapakanan ng hayop at pagsunod sa mga pandaigdigang pamantayan ng ethical food sourcing, nagbibigay ang Robina Farms ng matibay na halimbawa para sa iba pang lokal na producer. Ang certification na ito ay hindi lamang nagpapatibay sa kanilang dedikasyon sa pagpapabuti ng mga pamamaraan ng pagsasaka, kundi binibigyang kapangyarihan din nito ang mga mamimili na makapagdesisyon nang mas mabuti tungkol sa kanilang pagkain.
Habang patuloy na lumalakas ang demand para sa ethically sourced food, ang commitment ng Robina Farms sa cage-free egg production ay isang mahalagang hakbang patungo sa isang mas sustainable at compassionate na sistema ng pagkain sa Pilipinas.